Sa aming punong-guro, G. Joe Marie
G. Osano; sa aming District Supervisor, Dr. Ma. Teresa M. Penecilla; sa aming
Education Program Supervisor in English, G. Arlo L. Villalva; sa aming guest
speaker, G. Maria A. Lazarito, mahal naming mga guro; magulang; at sa mga kapwa
ko mag-aaral, magandang umaga at welcome sa aming ika-tatlumput-anim na
Graduation Day.
Ang araw na ito marahil ang pinakamasayang araw para sa buhay naming mga estudyante. Ito ang araw kung kailan nalampasan namin ang isang mahalagang yugto ng aming buhay. Ito ang araw kung saan matatanggap namin ang bunga ng aming mga pagsisikap. At higit sa lahat, ito ang araw na nagpapatunay na ang kahirapan ay di kailanman hadlang sa tagumpay. Ang araw na ito---ang aming Graduation Day.
Education is the key to success. Edukasyon ang susi ng tagumpay. Ito marahil ang paulit-ulit na katagang aming naririnig mula sa aming mga guro, magulang at mga nakatatanda sa amin. Hindi man namin ito naiintindihan o pinahahalagahan sa umpisa, ang aming paglagi sa paaralang ito, ang A. Bonifacio Elementary School, ang nagpamulat sa amin ng kahalagahan ng edukasyon. Bilang mga mag-aaral na nagmula sa mga mahihirap na pamilya, naipamulat sa amin na ang edukasyon ang daan upang mairaos namin ang aming sarili sa kahirapan at matupad ang aming mga pangarap sa buhay. Dahil dito, ako’y nakikiusap sa aking mga kapwa graduates na palagi nating isaisip ang mga mahahalagang bagay na ating natutunan mula sa ating paaralan. Matuto tayong pahalagahan ang kaloob sa ating edukasyon. Ipagpasalamat natin na tayo’y nakatayo sa mga sandaling ito, may ligaya at may dangal, na tayo’y nakapagtapos na ating elementarya. Lagi nating isaisip na hindi lahat at marami sa atin ang hindi nabigyan ng ganito kalaking pagkakataon.
To our dear teachers, walang salitang maaring makatumbas sa aming pasasalamat sa inyo. Humihingi kami ng tawad sa mga pagkakataong kayo’y na high-blood dahil sa aming kakulitan at katamaran. Humihingi kami ng tawad na kung minsan kami ay lumiliban o nahuhuli sa klase dahil walang makain sa bahay; dahil may problema sa aming pamilya; nagbababantay ng nakakabatang kapatid o dahil sa sadyang tinatamad lang. Salamat sa inyong di masukat na pasensya at pang-unawa. Higit sa lahat, salamat sa inyong bigay na karunugan. Tumuntong kami rito na mga walang muwang, di marunong magbasa, magbilang at magsulat, ngunti narito kami ngayon, mga bunga ng inyong walang sawang pagtuturo at paggabay sa amin. Ito ay utang na loob na aming buong buhay na ipapasalamat.
Sa aming mga
magulang, maraming salamat sa lahat ng inyong paghihirap upang mairaos niyo
kami sa pag-aaral. Alam naming minsan kami'y nakalilimot sa mga paghihirap at
sakripisyo na inyong ginagawa alang-alang sa amin. Inihahandog po namin ang
aming diploma sa inyo at ipinangangako naming tatapusin namin ang aming
pag-aaral. Kayo ang aming sandigan tungo sa aming tagumpay.
At
higit sa lahat, sa ating Maylikha. Lord, lubos ang aming pasasalamat sa lahat
ng biyayang ibinigay Niyo sa amin. Minsan man kami'y nagiging suwail na mga
bata, kami po ay palagi Niyong ginagabayan upang tahakin ang tamang landas.
Lahat ng mayroon kami ngayon ay aming pagkakautang mula sa Inyong walang
katapusang pagmamahal sa amin.
At biglang
pagtatapos, sa aking mga kapwa-mag-aaral, lagi nating isaisip na tayo ang
pag-asa ng ating bayan. Ito ma'y paulit-ulit nating naririning ngunit wala nang
iba kundi tayo ang magtataguyod ng ating pamilya, komunidad at ng buong mundo
sa hinaharap. Huwag nating hayaang masadlak tayo sa kahirapan at higit sa lahat
sa kasamaan. Sikapin nating tayo ang magiging solusyon at hindi magiging
problema. Lahat ng ito, ay magagawa natin kung pahahalagahan natin ang ating
pag-aaral at magpursige tungo sa tagumpay. Gamit ang edukasyong ating
makakamit, sama-sama tayong tumulong na gawin ang ating mundo bilang
isang mundong mapayapa, maunlad at higit sa lahat, may takot sa Diyos.
Sa muli,
welcome sa aming Graduation Day at magandang umaga sa lahat!!!
No comments:
Post a Comment